Lupang Hinirang,
Ang liham na ito ay ang aking munting paraan upang ipabatid sa iyo na ako’y lubos na nababalisa at nababagabag sa iyong kasalukuyang kalagayan.
Ang aking puso’y napupuno ng takot na ika’y muling maging bihag matapos na iyong magigiting na anak ay ibuwis ang kanilang mga buhay upang ika’y palayain mula sa mga kuko ng agila.
Tila ba tuluyan nang nawawala ang “alab ng puso” sa kanila. Nasaan na nga ba ang mga “magiting” na iyong idinuya’t minsang nangako na “sa manlulupig ay ‘di pasisiil”? Nasaan na sila?
Dalangin kong huwag muling dumating ang panahon na ang iyong “bituin at araw” ay magdilim, at ang “kislap ng iyong watawat” ay mawalan ng ningning.
Nawa’y manatili kang matatag upang pagbuklurin ang iyong mga anak na pinagwawatak-watak ng personal na hangarin at magkakaibang idelohiya.
Mabuhay ka!
Lubos na nagmamahal,
Ang “dilag” na laman ng iyong “tula”